Mula ika-14 hanggang ika-15 ng Mayo, 2017, idaraos dito sa Beijing ang Belt and Road Forum for International Cooperation (BRF). Miyerkules, Mayo 10, isiniwalat ni Wang Xiaotao, Pangalawang Ministro ng Pambansang Komisyon sa Pag-unlad at Reporma ng Tsina, na bilang isa sa tatlong bahagi ng BRF, handang handa na ang iba't ibang gawaing preparatoryo ng High-level Dialogue.
Ayon sa salaysay, 1500 panauhing Tsino't dayuhan na kinabibilangan ng 850 panauhing dayuhan mula sa mahigit 130 bansa at mahigit 70 organisasyong pandaigdig ang lalahok sa nasabing diyalogo. Magpapalitan sila ng kuru-kuro hinggil sa kooperasyon sa 8 aspektong gaya ng imprastruktura, pamumuhunang industriyal, kooperasyong pangkabuhaya't pangkalakalan, enerhiya't yaman, kooperasyong pinansyal, pagpapalitang kultural, kapaligirang ekolohikal, at kooperasyong pandagat.
Napag-alaman, pagkatapos ng seremonya ng pagbubukas ng BRF sa umaga ng Mayo 14, idaraos ang Plenary Session. Magtatalumpati sa sesyon si Zhang Gaoli, Pangalawang Premyer ng Tsina, at ang mahigit sampung dayuhang lider at namamahalang tauhan ng mga organisasyong pandaigdig. Gaganapin sa hapon ang 6 na thematic session ng High-level Dialogue.
Salin: Vera