Mula noong Mayo 29 hanggang Hunyo 2, idinaos sa Bangkok ang Thailand Rice Convention 2017. Sa panahon ng pulong, pinag-ukulan ng pansin ng mga tagapag-angkat at tagapagluwas ng palay, at mga opisyal ng mga departamentong agrikultural mula sa iba't ibang bansa ang pandaigdigang pamilihan ng nasabing pagkaing-butil, at malalimang tinalakay ang hinggil sa inobasyon ng mga produktong palay.
Ipinahayag ni Prayut Chan-o-cha, Punong Ministro ng Thailand, na sa kasalukuyan, dahil sa labis na reserba ng bigas sa buong mundo, matindi ang kompetisyon sa presyo, kaya kailangang lutasin ang kontradiksyon sa pagitan ng suplay at pangangailangan. Hinahawakan aniya ng Thailand ang labis na reserba ng bigas, at nilulutas ang mga problema sa iba't ibang proseso na gaya ng produksyon, pagbebenta, kalakalan, pagluluwas at iba pa. Ang Thailand ay isa sa mga pinakamalaking bansang tagapagluwas ng bigas. Sa kalagayan ng matumal na pamilihan ng bigas, nilulutas ng bansang ito ang isyu ng pagbebenta sa pamamagitan ng pagpapataas ng kalidad, pagpapalawak ng pamilihan, at inobasyon, dagdag pa niya.
Salin: Vera