Beijing — Sa kanyang pakikipagtagpo Huwebes, Hunyo 29, 2017, kay dumadalaw na Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano, ipinahayag ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, na makaraang humupa ang tension sa relasyong Sino-Pilipino, matatag na sumusulong ang relasyong ito at walang humpay na natatamo ng kanilang kooperasyon sa iba't-ibang larangan ang positibong bunga. Aniya, napapatunayan ng katotohanan na ang paggigiit ng pagkakaibigan ay tanging tumpak na pagpili na angkop sa kapakanang Sino-Pilipino.
Ipinahayag din niya na dapat patuloy na lagumin ng dalawang bansa ang karanasan at isakatuparan nang mainam ang mga narating na komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa sa pagpapaunlad ng relasyong Sino-Pilipino, komprehensibong pagpapalalim ng kooperasyon, maayos na paghawak sa maritime issue, at iba pa. Patuloy na kakatigan ng panig Tsino ang mga gawain ng panig Pilipino bilang kasalukuyang bansang tagapangulo ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa kasalukuyang taon, at magkasamang isusulong ang relasyong Sino-ASEAN at proseso ng integrasyon ng Silangang Asya, dagdag pa niya.
Ipinahayag naman ni Cayetano ang lubos na kasiyahan sa pagbuti ng relasyong Pilipino-Sino. Aniya, ang pagdalo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Belt and Road Forum for International Cooperation (BRF) ay may mahalagang katuturan para sa Pilipinas at buong rehiyon. Pinasasalamatan ng panig Pilipino ang ibinibigay na tulong at suporta ng panig Tsino sa pakikibaka laban sa droga, paglaban sa terorismo, imprastruktura, pamumuhunan, at iba pang aspekto. Pinahahalagahan aniya ng Pilipinas ang pagtitiwalaan at pagkakaibigang Pilipino-Sino, at inaasahan nito ang ibayo pang pagpapalakas ng pagdadalawan ng mataas na antas ng dalawang bansa. Magsisikap ang Pilipinas upang resolbahin ang isyung pandagat sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian, sabi pa niya.
Salin: Li Feng