Moscow — Sa pag-uusap Martes, Hulyo 4, 2017, nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Punong Ministro Dmitry Medvedev ng Rusya, tinukoy ni Xi na sa kasalukuyan, sustenableng lumalawak ang pragmatikong kooperasyong Sino-Ruso sa mga larangang gaya ng kabuhayan, kalakalan, at pamumuhunan; at kapansin-pansin ang mga natamong bunga. Aniya, hindi nagbabago ang determinasyon ng Tsina sa pagpapaunlad ng pakikipagkooperasyon sa Rusya. Dapat igiit ng Tsina at Rusya ang pagkatig sa isa't-isa, pagbubukas sa isa't-isa, pagpapalawak ng kooperasyon upang makalikha ng magandang kondisyon sa komong pag-unlad ng dalawang bansa, at magkaloob ng malakas na puwersa sa kapayapaan, katatagan, at kaunlaran ng buong mundo, dagdag ni Xi.
Binigyang-diin din ni Pangulong Xi na ang Rusya ay mahalagang partner ng Tsina sa pagpapasulong ng konstruksyon ng "Belt and Road." Napakalaki aniya ng potensyal ng pragmatikong kooperasyong Sino-Ruso, at malawak ang prospek nito.
Ipinahayag naman ni Medvedev na nasa pinakamainam na panahon ang kasalukuyang relasyong Ruso-Sino. Aniya, ang komprehensibo at estratehikong partnership ay hindi lamang angkop sa kapakanan ng mga mamamayan ng dalawang bansa, kundi nakakabuti rin sa kapayapaan at kaunlarang pandaigdig. Nakahanda aniya ang panig Ruso na panatilihin ang madalas na pagdadalawan sa mataas na antas ng dalawang bansa, at palawakin ang kanilang kooperasyon sa iba't-ibang larangan.
Salin: Li Feng