Moscow — Kinatagpo Lunes ng gabi, Hulyo 3 (local time), 2017, ni Pangulong Vladimir Putin ng Rusya ang kanyang dumadalaw na counterpart na si Xi Jinping ng Tsina. Malalimang nagpalitan ng kuru-kuro ang dalawang lider tungkol sa mga mahalagang isyung kapwa nila pinahahalagahan.
Ipinahayag ni Pangulong Xi na ang Tsina at Rusya ay komprehensibong estratehikong mag-partner, at napakahalaga ng pagpapahigpit ng kanilang pagkokoordinahan at pagsasanggunian sa paghawak ng mga mahalagang isyu. Aniya, dapat palakasin ng dalawang bansa ang pagkokoordinahan at pagtutulungan sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig, at magkasamang harapin ang mga panganib at hamon upang magkasamang mapasulong ang kapayapaan, katatagan, at kasaganaang pandaigdig.
Ipinahayag naman ni Pangulong Putin na lubos na pinahahalagahan ng kanyang bansa ang relasyon sa Tsina. Aniya, ang pagpapalakas ng pag-uugnayan ng mga lider ng dalawang bansa ay may mahalagang papel tagapatnubay at tagapagpasulong sa pag-unlad ng bilateral na relasyon.
Nagpalitan din ng kuru-kuro ang dalawang lider hinggil sa situwasyon ng Korean Peninsula, isyu ng Syria, at iba pa.
Salin: Li Feng