Ipinahayag Hulyo 22, 2017 sa Teheran, Iran ni Xie Xiaoyan, Espesyal na Sugo ng Tsina sa isyu ng Syria, na winewelkam ng panig Tsino ang pagtatatag ng apat na de-escalation zones sa Syria. Ito aniya ay nakakabuti sa pagpapanatili ng tigil-putukan sa bansang ito at paghahanap ng isang maayos na paraan sa paglutas ng krisis.
Mula ika-20 hanggang ika-23 ng buwang ito, dumadalaw si Xie sa Iran para makipagpalitan ng palagay sa mga opisyal ng Iran hinggil sa kalagayan ng Syria. Ito'y para pasulungin ang talastasang pangkapayapaan ng dalawang nagsasagupaang panig sa Syria.
Sa news briefing na idinaos sa Embahadang Tsino, inulit ni Xie ang mga paninindigang Tsino sa paglutas ng isyu ng Syria na gaya ng pangangalaga sa kabuuan ng teritoryo at soberanya ng bansang ito, pagganap ng nukleong papel ng United Nations (UN), at paggalang sa pagpili ng mga mamamayang Syrian.
Bukod dito, sinabi ni Xie na mahalaga ang papel ng Iran sa isyu ng Syria. Hinangaan ni Xie ang mga pagsisikap ng Iran para sa pagpapanatili ng tigil-putukan sa Syria, paglaban at paglutas sa terorismo sa paraang pulitikal.
Kaugnay ng isyu hingggil kay Pangulong Bashar al-Assad ng Syria, sinabi ni Xie na ang kinabukasan ng isang bansa ay dapat ipasiya ng mga mamamayan nito at hindi dapat paki-alamanan ng ibang mga bansa at puwersa.