Hinimok kahapon, Biyernes, ika-18 ng Agosto 2017, ni Tagapagasalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang Amerika at Hapon, na maging responsable sa mga isyu ng Diaoyu Island at South China Sea, itigil ang paglabas ng mga maling pananalita, at gawin ang mga bagay na makakabuti sa kapayapaan at katatagan ng rehiyong ito.
Kamakailan, pagkaraan ng pulong ng mga ministrong panlabas at ministrong pandepensa ng Amerika at Hapon, inilabas ang isang joint statement ng US-Japan Security Consultative Committee, na nagsasabing ang Article 5 ng US-Japan Treaty of Mutual Cooperation and Security ay sumasaklaw sa Diaoyu Island. Ipinahayag din nito ang di umanong "malaking pagkabahala" sa kalagayan ng South China Sea.
Bilang tugon, sinabi ni Hua, na ang US-Japan Treaty of Mutual Cooperation and Security ay produkto ng Cold War. Aniya, hindi ito dapat maging batayan sa mga ilegal na posisyon ng Hapon, at hindi dapat makapinsala sa soberanya sa teritoryo at mga interes ng Tsina.
Sinabi rin niyang, sa kasalukuyan, gumaganda ang kalagayan ng South China Sea, at nagtatamo ng positibong progreso ang diyalogo at pagsasanggunian ng Tsina at mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Aniya, bilang mga panig na walang kinalaman sa isyung ito, dapat igalang ng Amerika at Hapon ang pagsisikap ng mga may kinalamang bansa para sa mapayapang paglutas ng hidwaan, at mag-ingat sa mga pananalita at aksyon.
Salin: Liu Kai