Ipinatalastas kahapon, Sabado, ika-7 ng Oktubre 2017, ni Pangulong Recep Tayyip Erdogan ng Turkey, ang pagsisimula ng bagong round ng aksyong militar sa lalawigang Idlib sa hilagang kanlurang bahagi ng Syria.
Ayon kay Erdogan, ang naturang aksyong militar ay isinasagawa ng Free Syrian Army, sa ilalim ng pagsuporta ng Turkey. Aniya, nagbibigay naman ang panig Ruso ng pagsuporta sa naturang tropa.
Sinabi rin ni Erdogan, na ang naturang aksyong militar ay para pangalagaan ang mga mamamayang lokal, at pigilan ang aktibidad ng mga organisasyong ekstrimistiko sa purok-hanggahan ng Turkey at Syria.
Ayon naman sa media ng Turkey, ang naturang aksyon ay substansyal na hakbangin ng Turkey at Rusya, para itatag ang mga de-escalation zone sa Syria.
Salin: Liu Kai