Ipinahayag kahapon, Huwebes, ika-26 ng Oktubre 2017, ni Tagapagsalita Geng Shuang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang paglakip ng "Belt and Road" Initiative sa Konstitusyon ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) ay nagpapakita ng lubos na pagpapahalaga ng Tsina sa nasabing inisyatiba, at determinasyon at kompiyansa din sa pagpapasulong ng kooperasyong pandaigdig sa ilalim ng inisyatiba.
Sa katatapos na Ika-19 na Pambansang Kongreso ng CPC, pinagtibay ang rebisadong CPC Constitution, at inilakip dito ang mga nilalaman hinggil sa pagpapasulong ng "Belt and Road" Initiative. Sa kanya namang report sa kongreso, binigyang-diin ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng CPC, ang pagpapasulong ng pagbubukas ng Tsina, batay sa naturang inisyatiba.
Kaugnay nito, sinabi ni Geng, na sapul nang iharap ng Tsina ang "Belt and Road" Initiative noong 2013, maalwang sumusulong ang mga usapin nito, at natamo rin ang maraming bunga. Ang inisyatibang ito aniya, ay kinikilala at kinakatigan ng komunidad ng daigdig, at lumahok dito ang maraming bansa. Dagdag pa ni Geng, ang paglakip ng "Belt and Road" Initiative sa CPC Constitution ay mahalaga para sa ibayo pang pagpapasulong nito.
Salin: Liu Kai