IPINASA ng Board of Directors ng Asian Development Bank ang pautang para sa Pilipinas na nagkakahalaga ng US$ 100 milyon. Ang pautang ay upang matulungan ang pagkakaroon ng may uring pagawaing-bayan sa ilalim ng "Build, Build, Build" program ng pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang pahayag, sinabi ng Asian Development Bank na makatutulong ng malaki ang pautang sa Department of Transportation at Department of Public Works and Highways upang maihanda ang mga flagship project. Tinatayang magkakaroon ng aabot sa US$ 3.8 bilyon sa public infrastructure investments sa mga pambansang lansangan, daang bakal, mga tulay, flood control, daungan at mga paliparan at makadaragdag ng may US$ 10 bilyon sa gross domestic product (GDP) mula sa 2019 hanggang 2024.
US$100 MILYON, MALAKING TULONG SA BANSA. Sinabi ni Richard Bolt, Philippine Country Director ng ADB na makatutulong ng malaki ang pautang na nakapasa sa kanilang Board of Directors upang mapasigla at mapabilis ang "Build, Build, Build" program ni Pangulong Duterte, (Melo M. Acuna)
Sinabi ni Richard Bolt, country director ng Pilipinas sa Asian Development Bank na magkakaroon ng malaking pagbabago sa ekonomiya at mapapababa ang halaga ng pagkakalakal, makababawas sa paglalakbay at magkakaroon ng mga bagong kalakal sa malalayong pook ng bansa.
Magkakaroon din ng mas madaling pakinabang ang mga mamamayan sa edukasyon, healthcare at iba pang social services. Ang 'Build, Build, Build" program ay itinituring na centerpiece ng socioeconomic program ni Pangulong Rodrigo Duterte.