Natapos Miyerkules, unang araw ng Nobyembre, 2017, ang Taon ng Pagpapalitan ng mga Media ng Tsina at Rusya.
Sa seremonya ng pagpipinid na idinaos sa Great Hall of People sa Beijing, nagbigay si Premyer Li Keqiang ng Tsina at kanyang counterpart na si Dmitry Medvedev mula sa Rusya, ng mataas na pagtasa sa positibong bunga ng nasabing aktibidad.
Ipinahayag ni Li na nitong dalawang taong nakalipas sapul nang pasinayaan ang Media Exchange Year, makulay ang mga aktibidad ng pagpapalitan ng mga media ng dalawang bansa na sumasaklaw sa iba't ibang larangan na gaya ng pulitika, kabuhayan, kultura at pamumuhay ng mga mamamayan. Ang mga ito, aniya, ay nagpalalim ng pagkaunawaan at pagkakaibigan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Ipinahayag naman ni Medvedev na mabunga ang mga aktibidad ng pagpapalitan ng mga media noong nakaraang dalawang taon. Aniya pa, ang mga ito ay nagpalalim ng bilateral na relasyon ng dalawang bansa at nagdulot ng mga bagong pagkakataon para sa kanila.
Umaasa aniya siyang ibayo pang mapapalalim ang kooperasyon at pagpapalitan ng dalawang bansa sa kultura sa hinaharap.