Da Nang, Vietnam— Sa sidelines ng Ika-25 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders' Meeting na idinaos nitong nagdaang Biyernes at Sabado, nag-usap sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Moon Jae-in ng Timog Korea hinggil sa relasyon ng dalawang bansa at situwasyon ng Korean Peninsula.
![]( /mmsource/images/2017/11/12/3b6fe534aaf54afc8644ec5ff27baadd.jpg)
Sina Pangulong Xi Jinping (kanan) at Pangulong Moon Jae-in (kaliwa) habang nagtatagpo sa Da Nang, Vietnam, Sabado, Nobyembre 11, 2017. (Xinhua/Ding Lin)
Tinukoy ni Pangulong Xi na di-maihihiwalay na magkapitbansa at natural na magkapartner na pangkooperasyon ang Tsina at Timog Korea. Aniya, nitong 25 taong nakalipas sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, ang mapagkaibigang pagpapalitan at pagtutulungan para sa komong kasaganaan ay nagsisilbing pangunahing tema ng nasabing relasyon. Ipinagdiinan ni Xi na kasalukuyang nasa kritikal na panahon ang relasyong Sino-Timog Koreano. Ipinahayag niya ang pagkabahala ng Tsina sa isyu ng Terminal High Altitude Area Defense (THAAD).
Ipinahayag naman ni Pangulong Moon ang pagpapahalaga ng Timog Korea sa pagkabahala ng Tsina hinggil sa isyu ng THAAD. Wala aniyang intensyon ang Timog Korea na makapinsala sa interes na panseguridad ng Tsina. Umaasa si Moon na sa pamamagitan ng pagsisikap, kasama ng Tsina, na mapapanumbalik ang pagpapalitan sa mataas na antas ng dalawang bansa sa lalong madaling panahon. Ipinahayag din niya ang suporta at kahandaan ng Timog Korea sa paglahok sa Belt and Road Initiative (OBOR) para sa komong kasaganaan.
Kaugnay ng isyu ng Korean Peninsula, sumang-ayon ang dalawang pangulo na magkasamang magsikap ang Tsina at Timog Korea para malutas ang nasabing isyu sa mapayapang paraan.
Salin: Jade
Pulido: Rhio