Lunes ng hapon, Nobyembre 13, 2017, sa Pulong ng mga Lider ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) (10+1) na idinaos sa Manila, Pilipinas, ipinatalastas ng Tsina at mga bansang ASEAN ang pormal na pagsisimula ng pagsasanggunian sa balangkas ng "Code of Conduct (COC) in the South China Sea." Kaugnay nito, ipinahayag ni Victor Corpuz, retired Armed Forces of the Philippines Brig. General, na ang pagsisimula ng naturang pagsasanggunian ng dalawang panig ay nagpapakitang may kakayahan ang mga bansang ASEAN at Tsina na sariling pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa South China Sea.
Ipinalalagay niya na noong isang taon, humupa ang tensyon sa situwasyon ng South China Sea na mayroong itong maraming sanhi. Aniya, sa unang dako'y nagbago ang patakaran ng kasalukuyang pamahalaang Pilipino; sa kabilang dako, palagiang iginigiit ng Tsina ang prinsipyong dapat lutasin ang hidwaan sa karagatang ito sa pamamagitan ng bilateral na diyalogo at pagsasanggunian upang mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa South China Sea. Kasunod ng pagbuti ng relasyong Pilipino-Sino, nagiging matatag ang situwasyon sa karagatang ito, aniya pa.
Sa pananaw ni Victor Corpuz, sa isyu ng South China Sea, dapat igiit ng Pilipinas ang ideya ng win-win, at dapat ding lutasin ang pagkakaiba ng dalawang panig sa pamamagitan ng diyalogo.
Salin: Li Feng