Ang 3+X pormula ay nagpapakita na nais ng Tsina ang mas malakihan at malawakang uri ng kooperasyon sa mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Ito ang pahayag ni Aaron Rabena, Associate Fellow ng Philippine Council for Foreign Relations sa panayam sa telepono ng CRI Serbisyo Filipino ngayong araw, Nobyembre 15, 2017 hinggil sa ihinain ni Premyer Li Keqiang na 3+X framework upang i-upgrade ang China-ASEAN Cooperation.
Paliwanag niya sa pamamagitan ng 3+X hangad ng Tsina na magkaroon ng samu't saring mekanismo at mga cooperative initiatives sa ASEAN. At sa pananaw ng panig Tsino sa pamamagitan nito walang hanggahan ang pagpapalalim ng relasyon sa ASEAN sa hinaharap.
Dagdag niya, ang binanggit na ideya ni Premyer Li sa ASEAN Summit sa Pilipinas na pag-sasanib ng Belt and Road Initiative (BRI) sa Masterplan on ASEAN Connectivity 2025 ay kahalintulad din ng iminungkahi ni Pangulong Xi Jinping sa panig Ruso na magandang i-angkop ang BRI sa Eurasian Initiative.
Sa huli ang sinasabi ng panig Tsino, ani Rabena, ay kung magkakapareho ang mga adhikain at nais na resulta, mas mainam na pagsamahin ang mga inisyatiba para mas maging episyente ang mga hangaring pangkaunlaran sa iba't ibang panig ng daigdig.
Ulat: Mac Ramos