|
||||||||
|
||
Philippine International Convention Center — Dumalo Martes ng umaga, Nobyembre 14, 2017 si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa Ika-20 Pulong ng mga Lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Tsina, Hapon, at Timog Korea (10+3) kung saan dinaluhan din ng mga lider ng sampung (10) bansang ASEAN at nina Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon, Pangulong Moon Jae-in ng Timog Korea. Nangulo sa pulong si Pangulong Rodrigo Duterte ng Pilipinas.
Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Premyer Li na nitong 20 taong nakalipas, walang humpay na bumubuti ang mekanismong pangkooperasyon ng 10+3, at unti-unting lumalawak ang larangang pangkooperasyon. Ito aniya ay nakakapagbigay ng positibong ambag para sa pagpapasulong ng kapayapaan, katatagan, kaunlaran, at kasaganaan sa rehiyong Silangang Asyano.
Ani Li, ang pagtatatag ng komunidad ng kabuhayang Silangang Asyano ay isa sa mga estratehikong hangarin ng 10+3 cooperation. Ito ay angkop sa pangmalayuan at pundamental na kapakanan ng mga bansa at kanilang mga mamamayan sa rehiyong ito. Tungkol sa pagtatatag ng nasabing komunidad, iniharap ng premyer Tsino ang anim (6) na mungkahi: una, dapat puspusang pasulungin ang liberalisasyon at pagsasaginhawa ng kalakalan; ikalawa, dapat palawakin ang kooperasyon sa kakayahan ng produksuyon at pamumuhunan upang makalikha ng industrial chain na may win-win na resulta; ikatlo, dapat palakasin ang kooperasyon sa imprastruktura, at itatag ang connected network; ikaapat, dapat palalimin ang kooperasyong pinansiyal, at pangalagaan ang katatagang pinansyal sa rehiyon; ikalima, dapat palakasin ang kooperasyon sa sustenableng pag-unlad para makalikha ng balanse at may kapakinabangang kayariang pangkaunlaran sa rehiyon; ikaanim, dapat palawakin ang pagpapalitan at pagtutulungang pangkultura, at pagtipun-tipunin ang ideya ng komunidad.
Ipinagdiinan pa ni Premyer Li na igigiit ng Tsina ang pagbubukas sa labas at pasusulungin ang pagbubuo ng bagong kayarian ng komprehensibong pagbubukas ng bansa. Aniya, ang isang mas bukas at mas mayamang Tsina ay hindi lamang nakakapaghatid ng benepisyo sa mga mamamayang Tsino, kundi nagkakaloob ng mas maraming pagkakataon sa iba't-ibang bansa sa aspektong tulad ng pamilihan, pamumuhunan, at kooperasyon.
Lubos na pinapurihan ng mga kalahok na lider ang katuturan at natamong bunga ng 10+3 cooperation sa pagpapasulong ng kabuhayang panrehiyon at kaunlarang panlipunan. Winiwelkam nila ang nasabing mga mungkahi ng premyer Tsino.
Salin: Li Feng
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |