Idinaos Miyerkules, Nobyembre 22, 2017, sa Suzhou, probinsyang Jiangsu ng Tsina, ang "Pulong ng mga Ministro ng Impormasyon ng Tsina at Association of Southeast Asian Naitons (ASEAN)." Malawakang tinalakay ng mga kalahok ang temang "Pagpapalakas ng Pragmatikong Kooperasyon sa Larangan ng Impormasyon, at Pagtatatag ng mas Mahigpit na Komunidad ng Komong Kapalaran ng Tsina at ASEAN."
Dumalo sa pulong si Jiang Jianguo, Pangalawang Ministro ng Publisidad ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), at Puno ng Tanggapan ng Impormasyon ng Konseho ng Estado ng bansa, at ang mga ministro ng impormasyon o kinatawan mula sa mga bansang ASEAN gaya ng Indonesia, Laos, Myanmar, Pilipinas, at Thailand.
Sa kanyang talumpati, inihalad ni Jiang ang natamong bunga ng Ika-19 na Pambansang Kongreso ng CPC. Aniya, dapat patingkarin ng mga media department ng dalawang panig ang positibong papel upang ipalabas ang tinig ng pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng Asya, at ihatid ang pag-asa sa kasaganaan at kaunlaran.
Buong pagkakaisang pinagtibay sa pulong ng mga kalahok ang "Mungkahi ng Pulong ng mga Ministro ng Impormasyon ng Tsina at mga Bansang ASEAN." Ipinahayag din nila ang magandang hangarin ng ibayo pang pagpapalalim ng kooperasyon ng dalawang panig sa larangan ng impormasyon.
Salin: Li Feng