Beijing — Sa kanyang pagdalo Biyernes, Disyembre 1, 2017, sa seremonya ng pagbubukas ng CPC in Dialogue with World Political Parties High-Level Meeting, bumigkas ng talumpating pinamagatang "Magkakasamang Pagtatatag ng Mas Magandang Daigdig" si Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Pangulo ng bansa. Ipinagdiinan ni Xi na tulad ng dati, patuloy na magbibigay ang CPC ng ambag para sa kapayapaan at katatagan, komong kaunlaran, at pagpapalitan ng buong daigdig.
Ani Xi, sa kasalukuyan, nagbabago ang kayariang pandaigdig, gayundin ang kayariang pangkaunlaran. Dapat aniyang palalimin ng mga partido ng iba't-ibang bansa ang kanilang pagtitiwalaan, palakasin ang pagkokoordinahan upang maitatag ang bagong relasyon sa pagitan ng mga partido na may paggagalangan sa isa't-isa.
Idinagdag ni Pangulong Xi na sa loob ng darating na limang taon, ipagkakaloob ng Tsina ang pagkakataon sa 15,000 miyembro ng mga partido ng daigdig sa pagbiyahe sa Tsina. Iminungkahi rin niyang gawing mekanismo ang nasabing diyalogo upang ito ay maging mataas na plataporma ng diyalogong pulitikal na may malawakang representasyon at impluwensiyang pandaigdig.
Dumalo sa nasabing apat na araw na diyalogo ang mahigit 600 kinatawan ng halos 300 partido at organisasyong pulitikal mula sa mahigit 120 bansa.
Salin: Li Feng