Binuksan kahapon, Huwebes, ika-7 ng Disyembre 2017, sa Haikou, lunsod sa timog Tsina, ang unang taunang pulong ng China-Southeast Asia Research Center on the South China Sea (CSARC).
Kalahok dito ang mahigit 70 eksperto mula sa Tsina, Pilipinas, Indonesya, Thailand, Malaysia, Biyetnam, at Singapore. Sa panahon ng 2-araw na pulong, idaraos din ang symposium hinggil sa Belt and Road Initiative at komong pag-unlad sa rehiyon ng South China Sea.
Ipinahayag ni Zhou Jian, kinatawan ng Ministring Panlabas ng Tsina sa mga suliranin ng hanggahan at dagat, na sa kasalukuyang tahimik na kalagayan sa South China Sea, karapat-dapat na talakayin ang hinggil sa komong pag-unlad ng iba't ibang bansa sa paligid ng karagatang ito.
Sinabi naman ni Rommel Banlaoi, Executive Director ng Philippine Institute for Peace, Violence and Terrorism Research, na sa proseso ng pagsasagawa ng Belt and Road Initiative, mahalaga para sa Tsina at mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), ang pagpapanatili ng kaligtasan sa nabigasyon sa South China Sea, at dapat palakasin ng iba't ibang bansa ang kooperasyong pangkatiwasayan.
Salin: Liu Kai