Naganap kahapon, Biyernes, ika-8 ng Disyembre 2017, sa lalawigang Nord-Kivu ng Democratic Republic of the Congo (DR Congo), ang pag-atake na nakatuon sa tropang pamayapa ng United Nations (UN). Ikinamatay ito ng 15 tauhang pamayapang taga-Tanzania, at ikinasugat ng 53 iba pa.
Ayon sa departamentong panseguridad ng DR Congo, ang naturang pag-atake ay ginawa ng armadong grupong kontra-gobyerno ng Uganda. Napatay din anito ang 5 sundalo ng bansang ito sa pag-atake.
Nang araw ring iyon, ipinahayag ni Pangkalahatang Kalihim Antonio Guterres ng UN ang pagkondena sa naturang insidente. Sinabi niyang, ang sinasadyang pag-atake sa mga tauhang pamayapa ng UN ay krimeng pandigmaan. Nanawagan siya sa pamahalaan ng DR Congo, na isagawa ang imbestigasyon, para iharap sa batas ang mga maykagagawan sa lalong madaling panahon.
Salin: Liu Kai