DUMALO sa pagdinig sa Kongreso sina Associate Justice Teresita de Castro, Francis Jardeleza, Noel Tijam at dating Justice Arturo Brion sa pagpapatuloy ng impeachment complaint laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Dumalo rin sina Court Administrator Midas Marquez na ikatlong ulit nang dumalo. Si Justice De Castro ay makalawang ulit nang dumalo sa pagdinig.
Bago nagsimula ang pagdinig, nakita ang nagreklamong si Atty. Larry Gadon na nakikipag-usap sa mga mahistrado at kay Court Administrator Marquez.
Sinabi ni Justice De Castro na humarap siya upang magpahayag sa sumbong ni Atty. Gadon na pinalsipika ni Chief Justice Sereno ang ilang mga dokumento ng hukuman. Ipinagtataka naman ni Justice Jardeleza kung bakit nakialam si Chief Justice Sereno sa short list ng mga magiging mahistrado at kung bakit ipinaalis ang kanyang pangalan. Nakatakda ring tumestigo si dating Associate Justice Brion. Inaasahang tetestigo si Justice Tijam sa sumbong na minanipula ni Justice Sereno ang resolution sa kahilingan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na ilipat ang mga usapin ng mga Maute sa labas ng Mindanao.