Pormal na binuksan, nitong Sabado, ika-23 ng Disyembre 2017, ang Konsulada Heneral ng Laos sa Changsha, lalawigang Hu'nan sa gitna ng Tsina. Ito ang naging ika-6 na konsulada heneral ng Laos sa Tsina.
Sa seremonya ng pagbubukas, sinabi ni Ministrong Panlabas Saleumxay Kommasith ng Laos, na pinahahalagahan ng kanyang bansa ang pagpapaunlad ng pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa Hu'nan. Dagdag ng ministro, ang taong 2018 ay taon ng turismo ng Laos. Umaasa aniya siyang, sa pamamagitan ng pagbubukas ng naturang konsulada heneral, magbibigay-ginhawa ito sa pag-aaplay ng bisa ng mga residente sa Hu'nan at mga nakapaligid na lugar, para maglakbay sa Laos.
Ipinahayag naman ni Vandy Bouthasavong, Embahador ng Laos sa Tsina, na ang pagbubukas ng naturang konsulada heneral ay makakatulong sa kooperasyon ng Laos at Hu'nan sa kabuhayan, kalakalan, kultura, edukasyon, turismo, at iba pang aspekto.
Salin: Liu Kai