Noong Disyembre 15, 2017, matagumpay na idinaos ang Ika-3 Lancang-Mekong Cooperation (LMC) Foreign Ministers' Meeting sa Dali, Lalawigang Yunnan. Sa news briefing pagkaraan ng nasabing pulong, isinalaysay ng mga opisyal ng Tsina ang natamong bunga at plano ng pag-unlad sa hinaharap ng LMC sa iba't ibang larangan.
Sinabi ni Peng Gang, Deputy Director General ng Departmento hinggil sa mga Suliraning Asyano ng Ministri ng Komersyo ng Tsina na may naidagdag sa bentahe ng mga bansa sa kahabaan ng Lancang-Mekong na kinabibilangan ng Tsina, Kambodya, Laos, Myanmar, Thailand, at Biyetnam sa kabuhayan, at malaki ang potensyal ng kooperasyon sa kabuhayan at kalakalan. Aniya pa, sapul nang itatag ang mekanismo ng LMC, mabilis na lumalaki ang kalakalan. Sinabi pa ni Peng na sa hinaharap, patuloy na hihimukin ang mga bahay-kalakal na Tsino na palawakin ang pamumuhunan sa mga bansa sa kahabaan ng Ilog Mekong.
Sinabi naman ni Zhang Lubiao, Deputy Director General ng International Cooperation Department ng Ministri ng Agrikultura ng Tsina na mahaba ang kasaysayan ng kooperasyon ng Tsina at mga bansa sa kahabaan ng Ilog Mekong, at sa kasalukuyan, itinatag na ang magkasanib na grupo ng gawain ng agrikultura ng LMC.
salin:Lele