Hinimok ng Tsina ang pamahalaan ng Hapon na totoong tupdin ang mga pangako hinggil sa pagsisisi sa kasaysayang mapanalakay at responsableng hawakan ang isyu ng "comfort women," mga biktima ng pang-aabuso ng mga kawal na Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (WWII).
Ipinahayag ang nasabing panawagan ni Lu Kang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina sa regular na preskon Lunes, Setyembre 18, 2017, bilang tugon sa may kinalamang ulat. Ayon sa diyaryong Sankei Shinbun ng Hapon, may posibilidad na ilakip sa UNESCO Memory of World Register ang materyales hinggil sa "comfort women" na isinumite ng mga grupong sibil mula sa walong bansa na kinabibilangan ng Tsina at Timog Korea (ROK) makaraang suriin sa darating na Oktubre.
Ipinagdiinan ng tagapagsalitang Tsino na ang sapilitang pagkuha ng "comfort women" ay di-maipagkakailang krimen ng mga militaristang Hapones noong WWII. Dapat aniya itong mataimtim na pagsisihan at tumpak na hawakan ng pamahalaan ng Hapon para matamo ang tiwala mula sa mga biktimang bansang Asyano at komunidad ng daigdig.
Salin: Jade
Pulido: Mac