Ipinahayag ngayong araw, Sabado, ika-20 ng Enero 2018, ni Tagapagsalita Lu Kang ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang kawalang-kasiyahan ng kanyang bansa, sa pagpasok ng USS Hopper guided missile destroyer ng Amerika, 12 milya sa karagatang nakapaloob sa Huangyan Island sa South China Sea.
Sinabi ni Lu, na ang naturang paglalayag ng barkong Amerikano ay walang pahintulot ng pamahalaang Tsino. Isinagawa aniya ng hukbong pandagat ng Tsina ang beripikasyon sa naturang barko, at pinaalis ito.
Dagdag ni Lu, ang aksyon ng panig Amerikano ay nakapinsala sa soberanya at interes sa katiwasayan ng Tsina, at labag din sa saligang norma ng pandaigdig na relasyon. Sinabi niyang isasagawa ng Tsina ang kinakailangang hakbangin bilang tugon.
Salin: Liu Kai