Magbibigay-tulong ang Tsina sa Pambansang Istasyon ng Telebisyon ng Laos (LNTV), sa renobasyon ng Channel 3 nito. Ang kasunduan sa proyektong ito ay pinirmahan ngayong araw, Biyernes, ika-26 ng Enero 2018, sa Vientiane, Laos, nina Wang Qihui, Economic and Commercial Counsellor ng Embahada ng Tsina sa Laos, at Bounchao Phichit, General Director ng LNTV.
Ayon sa kasunduan, magbibigay-tulong ang panig Tsino, sa mga aspekto ng pagdidisenyo at pangangasiwa sa konstruksyon, sa renobasyon ng Channel 3 ng LNTV, na kinabibilangan ng pag-u-upgrade ng mga istudyo, editing system, transmission system, at iba pa. Magkakaloob din ang panig Tsino ng mga kagamitan sa naturang channel, at isasagawa rin ng dalawang panig ang 3-taong kooperasyong panteknolohiya.
Ayon sa plano ng LNTV, pagkatapos ng naturang renobasyon, maaaring gawin ng Channel 3 ang mga high-definition program.
Salin: Liu Kai