Idinaos kahapon, Miyerkules, ika-14 ng Pebrero 2018, sa Beijing ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Konseho ng Estado ng Tsina, ang resepsyon bilang pagdiriwang sa Chinese New Year.
Sa resepsyon, ipinahayag ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng CPC at Pangulo ng bansa, sa mga kababayang Tsino ang pagbati para sa pinakamahalagang tradisyonal na kapistahang ito sa Tsina.
Tinukoy ni Xi, na sa mula't mula pa'y pinahahalagahan ng mga Tsino ang pamilya. Aniya, ang family reunion sa kapistahan ay nagdudulot ng kaligayahan, at ang harmonya sa pamilya ay nagdudulot ng tagumpay sa bawat bagay. Nanawagan siya sa mga mamamayang Tsino, na maging mapagmahal sa kapwa pamilya at bansa, at ituring ang mga pangarap ng indibiduwal at pamilya bilang bahagi ng Chinese Dream.
Sinabi rin Xi, na ang makabagong panahon ay para sa mga taong lubos na gumawa ng pagpupunyagi. Nanawagan siya sa mga miyembro ng CPC, na ituring ang kahilingan ng mga mamamayan para sa magandang pamumuhay bilang sariling target sa pagpupunyagi, at walang humpay na magpunyagi para sa mga mamamayan at kasama ng mga mamamayan.
Salin: Liu Kai