Sa aktibidad na itinaguyod ngayong araw, Huwebes, Marso 1, 2018 ng pamahalaan ng Timog Korea bilang paggunita sa ika-99 na anibersaryo ng "March 1st Movement" laban sa kolonyal na paghahari ng Hapon sa Korean Peninsula, ipinahayag ni Pangulong Moon Jae-in ng T.Korea, na hindi dapat sabihin ng pamahalaan ng Hapon, na nalutas na ang isyu ng "comfort women." Dagdag niya, nalutas man o hindi pa nalulutas ang isyung ito, hindi dapat pagtakpan ng panig Hapones ang mga krimen laban sa sangkatauhan, na ginawa nito noong panahon ng digmaan.
Sinabi ni Moon, na ang tumpak na pakikitungo at pag-ala-ala sa nakaraan ay siyang tanging solusyon sa mga isyung naiiwan ng kasaysayan. Umaasa aniya siyang magkakaroon ng buong tapat na kompromiso ang Hapon, kasama ng mga nabiktimang bansa mula sa Asya, para isakatuparan ang mapayapang pakikipamuhayan at komong kasaganaan.
Salin: Liu Kai