Sabado, Marso 3, 2018, sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng Spring Festival na magkasamang itinaguyod ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas at Federation of Filipino-Chinese Association of the Philippines (FFCAP), isiniwalat ni Zhao Jianhua, Embahador ng Tsina sa Pilipinas, na kasabay ng pagganda ng relasyong Sino-Pilipino, matatag na umuunlad ang kooperasyon ng dalawang bansa sa kabuhayan at pamumuhunan. Nilagdaan na aniya ng kapuwa panig ang isang serye ng mga dokumento hinggil sa pagkatig ng Tsina sa pagtatayo ng imprastruktura sa Pilipinas. Sa kasalukuyan, sa tulong ng Tsina, aktibong pinapasulong ang mahigit sampung malalaking proyekto ng imprastruktura ng Pilipinas, at sisimulan ang ilang proyekto sa loob ng taong ito, dagdag pa ni Zhao.
Ani Zhao, nananalig siyang sa ilalim ng pamumuno nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Rodrigo Duterte ng Pilipinas, tiyak na mananatiling positibo ang tunguhin ng pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa, at matatamo ang mas maraming bunga.
Dumalo rin sa aktibidad sina Peter Chua, Tagapangulo ng FFCAP, at Harry Roque, Tagapagsalita ni Pangulong Duterte.
Salin: Vera