Xishuangbanna Dai Autonomous Prefecture probinsyang Yunnan ng Tsina — Binuksan Lunes, Marso 5, 2018, ang Ika-6 na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) + 3 Village Leaders Exchange Program. Dumalo rito ang halos 80 opisyal, barangay lider, iskolar at dalubhasa mula siyam (9) na bansang ASEAN, Tsina at Timog Korea, at mga kinatawan mula sa Sekretaryat ng ASEAN at iba pang organisasyong pandaigdig.
Itinataguyod ng International Poverty Reduction Center in China (IPRCC) ang nasabing aktibidad na tatagal ng isang linggo. Layon nitong sa pamamagitan ng pag-aaral at pagtalakayan, at paglalakbay-suri sa kanayunan at mga karatig bayan, alamin ng mga kinatawang ASEAN ang aktuwal na kalagayan ng pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng kanayunang Tsino, at tulungan ang mga barangay lider ng mga bansang ASEAN sa pagpapataas ng kanilang kakayahan sa pagsasagawa ng mga programang pangkaunlaran.
Salin: Li Feng