Isinumite Martes, Marso 13, 2018, ang plano ng bagong round ng reporma sa mga organo ng pamahalaang Tsino, sa Unang Sesyon ng Ika-13 Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina (NPC). Ayon sa planong ito, bilang pinakamataas na organong administratibo ng Tsina, makaraang isaayos, bubuuin ang Konseho ng Estado ng bansa ang 27 departamento na kinabibilangan ng bagong nabuong Ministri ng Likas-Yaman, Ministri ng Kapaligirang Ekolohikal, Ministri ng Agrikultura at Kanayunan, Ministri ng Kultura at Turismo, Pambansang Komisyon ng Kalusugan, at iba pa. Babawasan ng walo ang bilang ng mga organo sa lebel na ministeriyal, at babawasan naman ng pito ang bilang ng mga organo sa lebel na pangalawang ministeriyal.
Kaugnay ng nasabing plano, tinukoy ni Wang Yong, Kasangguni ng Estado ng Tsina, na layon ng pagsasagawa ng nasabing reporma na itatag ang sistema ng pamamahala sa pamahalaan na may malinaw na responsibilidad at pangangasiwa alinsunod sa batas. Layon din nito aniyang pataasin ang kapasidad pang-ehekutibo ng gobyerno at itatag ang service-oriented government na matutugunan ang kahilingan ng mga mamamayan.
Salin: Li Feng