Nag-usap sa telepono Marso 22, 2018 sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Emmanuel Macron ng Pransya.
Sa pag-uusap, bumati si Pangulong Macron sa muling panunungkulan ni Pangulong Xi sa kanyang tungkulin. Ipinahayag niyang pinahahalagahan ng Pransya ang pagkakaibigan sa Tsina at natamong bunga ng taunang sesyon ng NPC at CPPCC. Nakahanda aniya ang Pransya na magsikap, kasama ng Tsina para tupdin ang mga narating na kasunduan hinggil sa ibayong pagpapalalim ng pagtutulungang Sino-Pranses. Umaasa aniya siyang ibayo pang pahihigpitin ang pagpapalitan ng Tsina at Pransya sa mataas na antas, palalalimin ang pagtutulungan sa larangan ng kabuhayan, kalakalan, pamumuhunan, agrikultura at iba pa, at palalakasin ang koordinasyon sa mga pandaigdigang isyu na kinabibilangan ng pagbabago ng klima, pangangalaga sa multilateral na sistemang pangkalakalan, pagpigil sa krisis na pinansyal, at iba pa.
Ipinahayag naman ni Pangulong Xi ang pasasalamat sa pagbati ni Pangulong Macron. Ito aniya'y nagpapakita ng pagpapahalaga ng Pransya sa pag-unlad ng Tsina at relasyong Sino-Pranses. Ipinahayag ng Pangulong Tsino na ang kasalukuyang taunang sesyon ng NPC at CPPCC ay may mahalagang katuturan sa pag-unlad ng Tsina sa hinaharap. Ipagpapatuloy aniya ng Tsina ang reporma at pagbubukas sa labas, at gagawin ng bansa ang sariling ambag para sa kaunlarang pandaigdig. Nananalig aniya siyang ang pag-unlad ng Tsina ay makakatulong sa pagtutulungan ng Tsina at Pransya, at Tsina at Europa.