Sinabi kahapon, Lunes, ika-26 ng Marso 2018, ni Zhang Xiangchen, Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa World Trade Organization (WTO), na ang pagsasagawa ng Section 301 Investigation ng Amerika at pagpapataw ng mga restriksyon sa Tsina batay sa resulta ng imbestigasyong ito, ay salungat sa pangako ng Amerika sa WTO, at labag din sa mga regulasyon ng organisasyong ito.
Tinukoy ni Zhang, na batay sa mga regulasyon ng WTO at pangako ng Amerika, hindi dapat unilateral na magpasiya ang nasabing bansa, sa pamamagitan ng Section 301 Investigation, kung lalabag o hindi ang ibang bansa sa mga tuntunin ng WTO. Sa halip aniya, dapat dumako ang Amerika sa mga dokumento ng WTO at mekanismo ng paglutas sa hidwaan ng organisasyong ito.
Binigyang-diin din ni Zhang, na ang naturang aksyon ng Amerika ay ipinagbabawal sa Understanding on Rules and Procedures Governing the Settlement of Disputes ng WTO, at labag din sa pinakasaligang diwa at prinsipyo ng organisasyon. Ito ay makakapinsala hindi lamang sa interes ng Tsina at mga iba pang kasapi ng WTO, kundi rin sa multilateral na sistema ng kalakalan, dagdag pa ni Zhang.
Salin: Liu Kai