Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Xi Jinping at Kim Jong Un, nag-usap sa Beijing

(GMT+08:00) 2018-03-28 08:36:18       CRI

Sa paanyaya ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Pangulong Tsino, isinagawa ang di-opisyal na pagdalaw sa Tsina, mula nitong Linggo hanggang ngayong araw, Miyerkules, ika-28 ng Marso, 2018, ni Kim Jong Un, Tagapangulo ng Workers' Party of Korea (WPK) at Tagapangulo ng State Affairs Commission ng Hilagang Korea.

Sa panahong ito, nag-usap sa Great Hall of the People sa Beijing sina Xi at Kim. Inihandog nina Xi at First Lady Peng Liyuan, ang bangketeng panalubong para kina Kim at asawa niyang si Ri Sol Ju. Magkakasama rin silang nanood ng isang palabas na pansining.

Magkakahiwalay na lumahok sa mga may kinalamang aktibidad, sina Li Keqiang, Premyer Tsino at miyembro ng Standing Committee ng Political Bureau ng CPC Central Committee; Wang Huning, miyembro ng Standing Committee ng Political Bureau ng CPC Central Committee at miyembro ng Secretariat ng CPC Central Committee; at Wang Qishan, Pangalawang Pangulong Tsino.

Sa panahon ng pag-uusap, ipinahayag ni Xi, sa ngalan ng Komite Sentral ng CPC, ang mainit na pagtanggap kay Kim, para sa kanyang kauna-unahang pagdalaw sa Tsina.

Pinasalamatan ni Xi si Kim, para sa dalawang beses na pagpapadala ng mensaheng pambati sa kanya, pagkaraang muling ihalal si Xi bilang Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng CPC at manungkulan bilang Tagapangulo ng CPC Central Military Commission, noong Ika-19 na Pambansang Kongreso ng CPC; at muli nang ihalal kamakailan bilang Pangulo ng estado at Tagapangulo ng Central Military Commission.

Sinabi ni Xi, na ang kasalukuyang pagdalaw, sa espesyal na panahon at may malaking katuturan, ay nagpapakita ng pagpapahalaga ni Kim at ng WPK sa relasyon ng dalawang partido at dalawang bansa. Mataas itong pinapurihan ng panig Tsino, dagdag ni Xi.

Sinabi naman ni Kim, na nitong nakalipas na ilang panahon, naganap sa Tsina ang mga malaki at masayang pangyayari, na gaya ng matagumpay na pagdaraos ng Ika-19 na Pambansang Kongreso ng CPC noong isang taon, at matagumpay ring pagdaraos kamakailan ng mga sesyon ng National People's Congress at National Committee of the Chinese People's Political Consultative Conference.

Ani Kim, sa pagsuporta ng CPC at mga mamamayan ng buong Tsina, si Xi ay naging nukleo ng liderato, at muling inihalal bilang Pangulo ng estado at Tagapangulo ng Central Military Commission. Sinabi niyang, batay sa mapagkaibigang tradisyon ng H.Korea at Tsina, ito ay kanyang obligasyon na pumunta sa Tsina at bumati mismo kay Xi.

Dagdag ni Kim, sa kasalukuyan, mabilis na nagaganap ang mga pagbabago sa kalagayan ng Korean Peninisula. Dapat aniya ipaalam niyang mismo kay Xi ang hinggil dito, bilang pagsasaalang-alang sa pagsasamahan at moral na responsibilidad.

Sinabi ni Xi, na ang tradisyonal na pagkakaibigan ng Tsina at H.Korea ay itinatag at pinaunlad ng mga lider ng nagdaang henerasyon ng dalawang partido at dalawang bansa, at ito ay pinahahalagahan ng kapwa panig.

Batay sa komong ideya at pananalig, at malalim na pagkakaibigang rebolusyonaryo, pinagkatiwalaan at kinatigan ng mga lider ng nagdaang henerasyon ng dalawang bansa ang isa't isa, at lumikha sila ng isang magandang istorya sa kasaysayan ng relasyong pandaigdig, ani Xi.

Dagdag niya, pinanatili ng hene-henerasyon ng mga lider ng Tsina at H.Korea ang mahigpit na pagpapalitan at madalas na pagdadalawan, parang kapamilya. Aniya, sa mahabang panahon ng pagsasapraktika, kumakatig sa isa't isa at nagkokoordinahan ang dalawang partido at dalawang bansa, at nagbibigay ng malaking ambag sa pagpapaunlad ng usaping sosyalista.

Sinabi ni Xi, na kapwa naranasan at nasaksihan niya at ni Kim ang pag-unlad ng relasyon ng Tsina at H.Korea, at maraming beses nilang sinabi, na dapat ipagpatuloy ang tradisyonal na pagkakaibigan ng dalawang bansa, at ibayo pa itong pasulungin. Ito aniya ay estratehikong pagpili at siyang tanging tamang pagpili ng kapwa panig, batay sa kasaysayan at katotohanan, kayariang panrehiyon at pandaigdig, at pangkalahatang kalagayan ng relasyon ng dalawang bansa. Hindi ito dapat baguhin, dahil sa anumang pangyayari o paglipas ng panahon, dagdag ni Xi.

Binigyang-diin ni Xi, na lubos na pinahahalagahan ng CPC at pamahalaang Tsino ang relasyong pangkaibigan at pangkooperasyon ng Tsina at H.Korea. Aniya, ang pangangalaga, pagpapatatag, at pagpapaunlad ng relasyong ito ay di-magbabagong prinsipyo ng CPC at pamahalaang Tsino. Nakahanda aniya ang panig Tsino, kasama ng panig H.Koreano, na igiit ang orihinal na aspirasyon, at pasulungin ang pangmatagalang malusog at matatag na pag-unlad ng bilateral na relasyon, para magdulot ng benepisyo sa dalawang bansa at kani-kanilang mga mamamayan, at magbigay ng bagong ambag sa rehiyonal na kapayapaan, katatagan, at kaunlaran.

Iniharap ni Xi ang apat na mungkahi, para sa pagpapaunlad ng relasyon ng Tsina at H.Korea.

Una, patuloy na patingkarin ang namumunong papel ng pagpapalagayan sa mataas na antas. Sa mula't mula pa'y, ito ay pinakamahalaga, para patnubayan at pasulungin ang relasyon ng dalawang bansa. Sinabi ni Xi, na sa ilalim ng bagong kalagayan, nakahanda siyang panatilihin ang madalas na pakikipagpalitan kay Kim, sa pamamagitan ng pagdadalawan, at pagpapadala ng mga sugo at mensahe sa isa't isa.

Ikalawa, lubos na patingkarin ang papel ng estratehikong pag-uugnayan. Isang magandang kagawian ang malalimang pagpapalitan ng dalawang partido ng palagay hinggil sa mga mahalagang isyu. Dapat lubos na patingkarin ang papel ng pagpapalagayan ng dalawang partido, pasulungin ang pagpapalitan at pagtutulungan ng dalawang bansa sa iba't ibang aspekto, at palakasin ang pag-uugnayan at pagtitiwalaan.

Ikatlo, aktibong pasulungin ang mapayapang pag-unlad. Sa kasalukuyan, pumasok sa bagong panahon ang sosyalismong may katangiang Tsino, at pumasok naman sa bagong yugto ang konstruksyong sosyalista ng H.Korea. Nakahanda ang Tsina, kasama ng H.Korea, na sundin ang tunguhin ng panahon, igiit ang kapayapaan, kaunlaran, kooperasyon, at mutuwal na kapakinabangan, walang humpay na idulot ang benepisyo sa mga mamamayan, at ibigay ang positibong ambag sa rehiyonal na kapayapaan, katatagan, at kaunlaran.

Ikaapat, patatagin ang pundasyon sa mithiin ng mga mamamayan para sa pagkakaibigan ng Tsina at H.Korea. Sa pamamagitan ng iba't ibang porma, dapat palakasin ng dalawang panig ang pagpapalitan ng mga mamamayan, at palalimin ang hangarin ng mga mamamayan para sa relasyong pangkaibigan ng dalawang bansa. Lalung lalo na, dapat pahigpitin ang pagpapalitan ng mga batang henerasyon ng dalawang bansa, para ipagpatuloy ang magandang tradisyon ng pagkakaibigan ng Tsina at H.Korea.

Sinabi naman ni Kim, na lubos siyang binigyang-sigla ng mahalagang palagay ni Xi hinggil sa pagkakaibigan ng H.Korea at Tsina, at pagpapaunlad ng relasyon ng dalawang partido at dalawang bansa. Hindi matitinag aniya ang pagkakaibigan ng H.Korea at Tsina, na itinatag at pinaunlad ng mga nagdaang henerasyon ng mga lider ng dalawang bansa. Sa bagong kalagayan, ang patuloy na pagpapaunlad ng pagkakaibigan sa Tsina ay estratehikong pagpili ng H.Korea, at hindi ito magbabago sa anumang kondisyon, ani Kim.

Sinabi rin ni Kim, na ang kanyang pagdalaw na ito ay naglalayong makita ang mga kasamahang Tsino, palakasin ang estratehikong pag-uugnayan, at palalimin ang tradisyonal na pagkakaibigan. Umaasa aniya siyang, madalas na makikipagtagpo kay Xi sa hinaharap, at pananatilihin ang mahigpit na pag-uugnayan, sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga sugo at mensahe, para pasulungin sa bagong antas ang relasyon ng dalawang partido at dalawang bansa.

Ipinaalam ng kapwa panig ang kalagayan ng kanilang bansa. Sinabi ni Xi na sa Ika-19 na Pambansang Kongreso ng CPC nilikha ang isang malawakang plano upang itatag ang Tsina bilang isang modernong sosyalistang bansa sa lahat ng larangan-- magiging isang lipunang may katamtamang pag-unlad sa taong 2020, matatamo ang modernisasyon sa taong 2035 at maitatag ang makabagong sosyalistang bansa na masagana, malakas, demokratiko, may sulong na kultura, nagkakaisa at marikit sa pagsapit ng kalagitnaan ng siglo.

Pangungunahan ng CPC ang mga mamamayang Tsino na mula sa iba't ibang grupong etniko sa masigasig na pagtatamo at walang humpay na paghahangad na matupad ang Chinese Dream ng muling masiglang inang bayan, ayon kay Xi.

"Aming napansin ang pamumuno ni Comrade Chairman sa WPK at mga mamamayan ng DPRK sa pagsasagawa ng mga aktibong hakbang at pagtatamo ng mga bunga sa pagpapaunlad ng ekonomiya at pagpapabuti ng kalagayan ng mga tao nitong ilang taong nakalipas," ani pa ni Xi.

Inaasahan ng panig Tsino ang pagtatamo ng pulitikal na katatagan, kaunlarang pang-ekonomiko at kasiyahan ng mga mamamayan sa DPRK, at sumusuporta sa WPK na pinangunguluhan ni Comrade Chairman, habang inaakay nito ang lahat ng mga taga-DPRK tungko sa landas ng sosyalismo, maging ang mga gawain ng mga komrad ng DPRK sa pagpapaunlad ng ekonomiya at pagpapabuti ng hanap-buhay ng mga mamamayan, pahayag ni Xi.

Sinabi ni Kim na mula nang Ika 18 Pambansang Kongreso ng CPC, ang Sentral na Komite ng CPC kung saan nasa puso nito si Komrad Xi Jinping, sa pamamagitan ng masidhing tapang na pulitikal at malakas na damdamin ng pananagutan, ay nilikha ang bagong kaisipan at bagong mga ideya, ipinatupad ito at nalutas ang maraming mga suliranin, kabilang ang mga bagay na matagal ng nasa plano ngunit hindi natutugunan. Ang mga tagumpay na ito ay patunay na ang mga hakbang ng CPC ay tama at akma sa kasalukuyang kalagayan ng bansa. Iniharap ni Comrade General Secretary ang mga panuntunang dapat ipatupad ng Partido, ang masusing nagsasariling-pagsusuperbisa at isagawa ang mahigpit na nagsasariling pamumuno sa lahat ng aspekto, ay mga bagay na malaking nakaambag sa pagpapatatag ng Partido at nakatulong upang maging epektibo ang pamumuno ng Partido. Sa kasalukuyan, ang WPK ay nagsasagawa rin ng mga hakbang upang labanan ang pagpapauna ng sariling interes, mapaniil na burukrasya at katiwalian

Ani pa ni Kim, taos puso siyang umaasa na patuloy na makakamit ng Tsina ang mga tagumpay habang itinatayo nito ang isang lipunang may katamtamang prosperidad sa lahat ng larangan at isang modernong sosyalistang bansa.

Malawakang nagpalitan ng palagay ang dalawang lider hinggil sa mga kaganapan sa daigdig at maging sa kalagayan ng Peninsula ng Korea.

Sinabi ni Xi na naganap ang mga positibong pagbabago sa Peninsula ng Korea ngayong taon, at kinikilala ng Tsina ang mahalagang mga hakbang ng isinagawa ng DPRK hinggil dito. Kaugnay ng usapin ng Peninsula ng Korea, patuloy na naninindigan ang Tsina sa adhikain na walang-nuklear na peninsula, pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa peninsula, at paglutas sa mga suliranin sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian.

Nananawagan ang Tsina sa lahat ng mga panig na suportahan ang pagpapabuti ng ugnayang-Koreano, gumawa ng mga konkretong hakbang upang mapadali ang pag-uusap na pangkapayapaan, ani Xi, at nagpahayag na patuloy na gaganap ng konstruktibong papel ang Tsina sa usaping ito at tutulong sa lahat ng panig, kabilang ang DPRK, tungo sa pagpapabuti ng maigting na kalagayan ng peninsula.

Sinabi naman ni Kim na ang situwasyon sa Korean Peninsula ay bumubuti matapos gawin ng DPRK ang mga hakbang upang bawasan ang tension at iharap ang mungkahing isagawa ang pag-uusap na pangkapayapaan.

"Patuloy kami sa aming paninindigang matamo ang walang-nuklear na peninsula ayon sa kagustuhan ng yumaong Pangulong Kim Il Sung at yumaong Pangkalahatang Kalihim Kim Jong Il," ani Kim.

Sinabi pa ni Kim na determinado ang DPRK na baguhin ang ugnayang-Koreano at gawing ugnayan ng muling pagkakasundo at pakikipagtulungan, at isagawa ang pag-uusap sa pagitan ng mga lider ng dalawang panig. Dagdag niya, handa ang DPRK na makipag-diyalogo sa Estados Unidos at isagawa ang pag-uusap sa pagitan ng dalawang bansa.

Aniya pa, "Ang usapin ng walang-nuklear na Peninsula ng Korea ay maaring maayos kung ang Timog Korea at ang Estados Unidos ay tutugon sa aming mga pagpupunyagi na mga tapat na kalooban, lumikha ng kalagayang mapayapa at matatag habang isinasagawa ang progresibo at naayong mga hakbang para makamit ang kapayapaan."

Sinabi pa niyang umaasa ang DPRK na mas bubuti ang estratehikong komunikasyon sa Tsina sa prosesong ito, magkasamang pangangalagaan ang takbo ng konsultasyon at diyalogo at maging ang kapayapaan at katatagan ng peninsula.

Bago ang pag-uusap, pinangunahan ni Xi ang seremoniya ng pagtanggap para kay Kim sa Hilagang Bulwagan ng Great Hall of the People. Matapos ang pag-uusap, ginanap ang bangketeng panalubong nina Xi at Peng para kina Kim at Ri.

Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Xi na sa magandang panahon ng tagsibol, kasabay ng muling pag-usbong ng buhay, ang di-opisyal na pagdalaw ni Komrad Kim Jung Un at Lady Ri Sol Ju sa Tsina ay may mahalagang katuturan para sa dalawang bansa upang palalimin ang komunikasyon, palakasin ang koordinasyon at isulong ang kooperasyon, at upang itulak ang relasyon ng dalawang partido at dalawang bansa sa mas mataas na lebel sa panahon ng bagong yugto sa kasaysayan, at makapag-ambag sa pagsusulong ng kapayaan, katatagan at kaunlaran sa rehiyon.

Sinabi niyang matapat at mapagkaibigan ang naging pag-uusap nila ni Tagapangulong Kim Jong Un. Aniya, "Nagkasundo kaming ipagpatuloy ang tradisyunal na pagkakaibigan sa pagitan ng Tsina at DPRK batay sa komong interes at komong estratehikong pagpili ng kapwa panig. Magbago man ang kalagayan sa rehiyon at buong daigdig, magkasama naming mahigpit na hahawakan ang kalakaran ng pandaigdig na kaunlaran at ang kabuuang situwasyon ng ugnayang Sino-DPRK, palalakasin ang pagpapalitan sa mataas na antas, palalalimin ang estratehikong komunikasyon, palalawigin ang pagpapalitan at kooperasyon, at bigyang pakinabang ang mga mamamayan ng dalawang bansa at maging ang buong sangkatauhan.

Habang nagtatalumpati sa bangkete, sinabi ni Kim na sumasailalim ang Peninsula ng Korea ng maraming pagbabago, agaran siyang dumalaw sa Tsina upang ipakita ang pagnanais sa kapayapaan at katatagan sa peninsula, at ipagpatuloy ang pagpapaunlad ng pagkakaibigang DPRK-Sino. Ani pa ni Kim na ang pagpili niya sa Tsina bilang destinasyon ng kaniyang unang byahe sa labas ng bansa ay nagpapakita ng pagnanais na isulong ang tradisyunal na pagkakaibigang DPRK-Sino maging ang pagpapahalaga sa ugnayan ng dalawang bansa. "Matagumpay ang aking pakikipag-usap kay Pangkalahatang Kalihim Xi Jinping hinggil sa pagpapaunlad ng ugnayan ng dalawang partido at dalawang bansa, sa aming kalagayang panloob, pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa Korean Peninsula at iba pang mga usapin," sinabi ni Kim. "Sa panahon ng tagsibol na puno ng kaligayahan at pag-asa, naniniwala akong ang unang pakikipagtagpo kay Pangkalahatang Kalihim Xi Jinping ay masaganang magbubunga para sa ugnayang DPRK-Sino, magpapadali sa pagkakaroon ng kapayapaan at katatagan sa Peninsula ng Korea," pahayag pa niya.

Sa panahon ng pagdalaw, naganap rin ang pormal na pananghalian na inihandog ni Xi at Peng para kina Kim at Ri sa Yangyuanzhai ng Diaoyutai State Guesthouse. Sinabi ni Xi na ang Diaoyutai State Guesthouse ay naging saksi sa pagunlad ng tradisyunal na pagkakaibigan ng dalawang bansa, at ang malapit na relasyon sa pagitan ng mga lider ng nakatatandang henerasyon ng dalawang partido at dalawang bansa ay nagbigay ng magandang halimbawa para sa kanila ni Kim sa kasalukuyang panahon. Sinabi ni Xi, "Malugod naming tinatanggap si Tagapangulong Kim Jong Un at si Lady Ri Sol Ju sa kanilang pagdalaw sa Tsina ngayon at sa hinaharap. Bilang tugon sinabi ni Kim na ang pagkakaibigang DPRK-Sino ay tunay na mahalaga at nais niyang makipaghawak-kamay kay Xi sa pagsunod sa kagustuhan ng mga lider ng nakatatandang henerasyon, ipagpatuloy ang pagpapaunlad ng pagkakaibigang DPRK-Sino na hindi nagbabago sa kabila ng bagwis at unos at mas paunlarin ito sa mataas na lebel sa makabagong panahon at panibagong mga hamon.

Dinalaw din ni Kim ang eksibisyong nagpapakita ng inobatibong kaunlaran ng Chinese Academy of Sciences mula noong Ika 18 Pambansang Kongreso ng CPC. Ipinakita ni Kim ang paghanga sa mga natamo ng Tsina sa larangan ng siyensya at teknolohiya at nagiwan ng kanyang sulat-kamay na inskripsyon bilang paggunita sa pagdalaw.

Dumalo sa aktibidad sina Ding Xuexiang, miyembro ng Political Bureau ng CPC Central Committee, miyembro ng Sekretariyat ng CPC Central Committee at direktor ng General Office ng CPC Central Committee; Yang Jiechi, miyembro ng Political Bureau ng CPC Central Committee; Guo Shengkun, miyembro ng Political Bureau ng CPC Central Committee, miyembro ng Sekretaryat ng CPC Central Committee at puno ng Commission for Political and Legal Affairs ng CPC Central Committee; Huang Kunming, miyembro ng Political Bureau ng CPC Central Committee, miyembro ng Sekretaryat ng CPC Central Committee at puno ng Publicity Department ng CPC Central Committee; Cai Qi, miyembro ng Political Bureau ng CPC Central Committee at Kalihim ng CPC Beijing Municipal Committee; at ang Kasangguni ng Estado at Ministro ng Ugnayang Panlabas Wang Yi.

Kasama ni Kim Jong Un sa kanyang pagbisita sa Tsina at pagdalo sa mga kaugnay na aktibidad sina Choe Ryong Hae, Ikalawang Tagapangulo ng WPK Central Committee at Direktor ng Organization and Guidance Department; Pak Kwang Ho, Ikalawang Tagapangulo ng WPK Central Committee at direktor ng Propaganda and Agitation Department; Ri Su Yong, Ikalawang Tagapangulo ng WPK Central Committee at direktor ng International Department; Kim Yong Chol, Ikalawang Tagapangulo ng WPK Central Committee at direktor ng United Front Department at ang Ministro ng Ugnayang Panlabas na si Ri Yong Ho.

Salin: Mac Ramon at Liu Kai

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>