|
||||||||
|
||
Bumigkas ng talumpati si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, sa Greater Mekong Subregion (GMS) Business Summit, na idinaos kahapon, Biyernes, ika-30 ng Marso 2018, sa Hanoi, Biyetnam.
Sinabi ni Wang, na pasusulungin ng Tsina ang de-kalidad na pag-unlad ng kabuhayan, at ibayo pang palalawakin ang pagbubukas sa labas. Ito aniya ay magbubukas ng bagong espasyo para sa pag-unlad ng kabuhayan sa GMS, at magdudulot ng mas maraming pagkakataon sa mga bansa sa rehiyong ito at maging sa buong daigdig.
Sinabi rin ni Wang, na bilang kasapi ng GMS, patuloy na magsisikap ang Tsina para sa komong pag-unlad ng mga bansa sa rehiyon.
Dagdag ni Wang, ang mga bansa sa kahabaan ng Mekong River ay mahahalagang katuwang ng Tsina, sa ilalim ng Belt and Road Initiative. Pabibilisin aniya ng Tsina ang mga proyektong pangkooperasyon sa mga bansang ito, para mas maaga silang makinabang sa inisyatibang ito.
Binigyang-diin din ni Wang, na ang pagbubukas ay dapat maging two-way. Bukas aniya ang Tsina sa ibang bansa, at umaasa rin ang Tsina na magiging bukas ang ibang bansa sa kanya. Aniya, nakahanda ang Tsina na ibahagi sa iba't ibang bansa ang mga pagkakataong dulot ng pag-unlad, pero kung isasagawa ng isang bansa ang proteksyonismo, ito ay nangangahulugan ng pagsasara nito ng pinto tungo sa Tsina.
Salin: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |