Bilang espesyal na sugo ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, kinatagpo kahapon, Biyernes, ika-30 ng Marso 2018, sa Seoul, Timog Korea, si Yang Jiechi, Direktor ng Tanggapan ng Sentral na Komisyon ng mga Suliraning Panlabas ng Tsina, ni Pangulong Moon Jae-in ng bansang ito.
Sinabi ni Yang, na ang kanyang pagdalaw na ito ay naglalayong ipatupad ang mga komong palagay ng mga lider ng Tsina at T.Korea, at palakasin ang bilateral na relasyon at estratehikong kooperasyon ng dalawang bansa. Ipinaalam din niya kay Moon, ang hinggil sa pagdalaw sa Tsina ni Kim Jong Un, lider ng Hilagang Korea, at inulit ang paninindigan ng Tsina sa walang-nuklear na Korean Peninsula, kapayapaan at katatagan sa peninsula, at paglutas sa mga may kinalamang isyu sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian.
Positibo naman si Moon sa mainam na tunguhin ng pag-unlad ng estratehiko at kooperatibong partnership ng T.Korea at Tsina. Hinangaan niya ang konstruktibong papel ng Tsina sa isyu ng Korean Peninsula, at pinasalamatan ang Tsina sa pagbibigay-ambag sa kasalukuyang paghupa ng kalagayan sa peninsula.
Salin: Liu Kai