Kaugnay ng bagong plano ng Amerika ng pagdaragdag ng taripa sa mga panindang Tsino na nagkakahalaga ng 100 bilyong Dolyares, ipinahayag ngayong araw, Biyernes, ika-6 ng Abril 2018, ni Tagapagsalita Lu Kang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na kung pawawalang-bahala ng panig Amerikano ang pagtutol ng panig Tsino at komunidad ng daigdig, at igigiit ang mga aksyon ng unilateralismo at proteksyonismong pangkalakalan, makikipaglaban ang panig Tsino sa panig Amerikano sa anumang halaga at isasagawa ang mga bagong komprehensibong hakbangin bilang tugon. Ito aniya ay para ipagtanggol ang mga interes ng bansa at mga mamamayan.
Dagdag ni Lu, ang kasalukuyang alitang pangkalakalan ay unilateral na inilunsad ng panig Amerikano. Ito aniya ay probokasyon ng unilateralismo ng Amerika sa multilateralismo ng daigdig, at proteksyonismo nito sa malayang kalakalan ng daigdig.
Ipinahayag din ni Lu, na patuloy na palalawakin ng Tsina ang reporma at pagbubukas sa labas, pangangalagaan ang multilateral na sistemang pangkalakalan, at pasusulungin ang malaya at maginhawang kalakalan at pamumuhunan ng daigdig.
Salin: Liu Kai