Ayon sa ulat kahapon, Huwebes, ika-5 ng Abril 2018, ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, sa ilalim ng dispute settlement framework ng World Trade Organization (WTO), iniharap na ng Tsina ang kahilingan sa Amerika para sa pagsasanggunian hinggil sa Section 232 measures nito ng pagpataw ng karagdagang taripa sa mga aangkating produkto ng asero at aluminyo.
Sinabi ng isang mataas na opisyal ng naturang ministri, na tinanggihan ng Amerika na idaos, kasama ng Tsina, ang talastasan hinggil sa pagbibigay-kompensasyon, batay sa mga tuntunin ng WTO, kaya karapat-dapat na dumako ang Tsina sa dispute settlement procedure, para ipagtanggol ang sariling mga lehitimong kapakanan at karapatan.
Tinukoy din ng nabanggit na opisyal, na ang Section 232 measures ng Amerika ay aksyon ng proteksyonismong pangkalakalan, sa pangangatiwran ng "pangangalaga sa pambansang seguridad." Dagdag niya, pinapatawan ng Amerika ng karagdagang taripa ang Tsina at mga ibang kasapi ng WTO, habang ginagawa ang eksepsyon sa ilang bansa at rehiyon. Ito aniya ay grabeng paglabag sa prinsipyong "walang pagtatangi" ng multilateral na sistemang pangkalakalan, at pagsira sa mga lehitimong interes ng Tsina bilang kasapi ng WTO.
Salin: Liu Kai