Sinabi kahapon, Huwebes, ika-5 ng Abril 2018, ni Pangulong Donald Trump ng Amerika, na ini-utos na niya sa kinatawang pangkalakalan ng bansa, na isaalang-alang ang pagpataw ng karagdagang taripa, sa ilalim ng "Section 301 Investigation," sa mga aangkating produktong Tsino na nagkakahalaga ng 100 bilyong Dolyares. Nauna rito, inilabas na ng Amerika ang isang listahan ng halos 50 bilyong Dolyares na produktong Tsino, na papatawan ng karagdagang taripa, batay sa nabanggit na imbestigasyon. Ang kasalukuyang bagong aksyon ni Trump ay nagpalala ng alitang pangkalakalan ng Tsina at Amerika, at nagtulak ng dalawang bansa sa bingit ng "trade war."
Kaugnay nito, sinabi sa isang artikulo, ni Jiang Yuechun, Puno ng Department for World Economy and Development ng China Institute of International Studies, na sa panahon ng globalisasyong pangkabuhayan, ang anumang porma ng "trade war" ay labag sa prinsipyo ng malayang kalakalan at mga tuntunin ng kabuhayang pandaigdig.
Tinukoy din ni Jiang, na nagtatangka ang Amerika, na sa pamamagitan ng paglulunsad ng "trade war," hadlangan ang estratehiyang "Made in China 2025" ng Tsina hinggil sa pagpapaunlad ng industriya ng hay-tek ng bansa. Pero aniya, ang Tsina ay hindi bansang umaasa lamang sa pagluluwas, at lumalaki nang lumalaki ang pangangailangang panloob ng bansa. Hindi mahihinto ang pagbabagong-anyo at pag-a-upgrade ng industriya ng Tsina, dahil sa trade war ng Amerika, at hindi rin itatakwil ng Tsina ang estratehiyang "Made in China 2025."
Bilang panapos, sinabi ni Jiang, na may kompiyansa at kakayahan ang Tsina, na harapin ang alitang pangkalakalan sa Amerika. Hindi aniya natatakot ang Tsina sa banta ng Amerika sa isyu ng kalakalan.
Salin: Liu Kai