Ipinahayag ngayong araw, Biyernes, ika-6 ng Abril 2018, sa Beijing, ni Gao Feng, Tagapagsalita ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, na kung ilalabas ng Amerika ang isa pang listahan ng 100 bilyong Dolyares na produktong Tsino na papatawan ng karagdagang taripa, agarang isasagawa ng Tsina ang mga hakbangin bilang tugon.
Sinabi ni Gao, na ang "trade war" na inilulunsad ng Amerika ay labanan sa pagitan ng unilateralismo at multilateralismo, at ng proteksyonismo at malayang kalakalan. Aniya, kung matatalo ang multilateralismo at malayang kalakalan, masisira ang globalisasyong pangkabuhayan at maaapektuhan ang pag-ahon ng kabuhayang pandaigdig. Sa ganitong mahalagang isyu, dapat maging matatag at malakas ang atityud at mga aksyon ng Tsina, dagdag ni Gao.
Pinabulaanan din ni Gao ang sinabi ng mga opsiyal na Amerikano, na ginagawa ng dalawang bansa ang talastasan hinggil sa alitang pangkalakalan. Sinabi niyang, nitong ilang nakalipas na panahon, hindi idinaos ng Tsina at Amerika ang anumang talastasan hinggil sa isyung pangkabuhayan at pangkalakalan. Dagdag ni Gao, unilateral na iniharap ng Amerika ang pagpatawa ng karagdagang taripa sa Tsina, at matatag at malakas na humarap dito ang Tsina. Sa ganitong kalagayan aniya, hindi posibleng idaos ng dalawang panig ang anumang talastasan.
Salin: Liu Kai