|
||||||||
|
||
140 lider ng mga media organizations mula 40 bansa at rehiyon ang dumalo sa summit.
Ngayong taon ang Media Leaders Summit for Asia ay may apat na parallel sub-forums na may mga paksang tulad ng pagpapalitan at kooperasyon ng mga media, Belt and Road Initiative, reporma at pagbubukas sa labas ng Tsina, at ang pagpapalitang kultural sa buong Asya.
Ang delegasyon ng Pilipinas ay binubuo nina Marvin Gatpayat, Undersecretary for Legal Affairs and Chief of Staff ng Presidential Communications Operations Office; Edgar S. Reyes, Deputy Network General Manager ng PTV; Alan Allanigue, Station Manager ng Radyo Pilipinas-Manila; at Rudolph Steve Jularbal, Vice President ng Manila Broadcasting Company.
Si Ginoong Reyes ay nagbigay ng kanyang talumpati hinggil sa paksang "Pagtatatag ng Belt and Road at ang mga Bagong Oportunidad para sa Komunikasyong Pandaigdig."
Sinabi niyang mahalaga ang papel ng media sa mapayapang kaunlarang pandaigdig. Para makamit ito kailangang magtulungan ang mga media sa mga bansang kabilang sa Belt and Road Initiative (BRI). Ang hamon ani Reyes ay gawing boses ng Asya ang media at iugnay ang Asya sa buong mundo. Sa pamamagitan ng BRI, nabuksan ang oportunidad para sa magkakasamang pagpapaliran ng mga ideya, konsepto at stratehiya. Maari ring magkakasamang magsagawa ang iba't ibang bansa ng pananaliksik at pagpapaunlad. Dagdag pa niya, may isang malaking suliranin sa ngayon ang mga tradisyunal na media, ito ang pagkalat ng fake news. At ang plataporma nito ay social media. Iminungkahi ng beteranong mediaman na huwag ipagwalang-bahala ang social media at ang panganib ng fake news. Kailangang palaganapin ang makatotohanang balita sa pamamagitan ng pagsasanib-pwersa at mga kooperasyon. Kabilang dito ang regular na multilateral na diyalogo ng media sa mga bansang kasapi ng BRI. Bilang pagtatapos, kanyang sinipi ang talumpati ni Minister Huang Kunping sa opening ceremony ng forum, "Ang pag-unlad ng bawat bansa ay hindi maihihiwalay sa pag-unlad ng iba pang bansa. Dapat sama-sama tayong aahon, kundi sama-sama ang ating pagbagsak."
Samantala si Ginoong Allanigue naman ay nagbigay ng kanyang mga pananaw hinggil sa paksang "Makukulay na Sibilisasyon at Pagpapalitan sa Asya."
Sinimulan ni Ginoong Allanigue ang kanyang speech sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kasabihang "Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan, ay hindi makakarating sa patutunguhan."
Aniya ang kontinente ng Asya ay may maipagmamalaking mayamang kasaysayan at sibilisasyon. Mga kulturang natatangi at naiiba, ngunit magkakaugnay.
Ang kasaysayan paliwanag niya ay hindi dapat manatiling mga aralin sa eskwelahan. Bagkus dapat ipamalas sa malikhaing pamamaraan sa pamamagitan ng mass media.
Dahil alay nito ay pagkakataong lingunin ang nakalipas at maunawaan kung paano ang sangkatauhan ay may kaugnayan. Sa tulong ng teknolohiya, ang kaalamang kultural ay makatatawid sa anumang hanggahan at magiging tulay sa pagitan ng mga bansa.
Bilang pagtatapos, ani Allanigue, isa pang importanteng papel na gagampanan ng media ay ang pagtuturo sa lahat na tayo ay kabilang sa iisang komunidad ng sangkatauhan at maaring magtulungan upang mas gumanda ang mundong ginagalawan.
Ulat: Mac Ramos
Larawan: Lito
Web editor: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |