Ayon sa estadistikang inilabas ngayong araw, Miyerkules, ika-11 ng Abril 2018, ng Pambansang Kawanihan ng Estadistika ng Tsina, ang Consumer Price Index (CPI) ng bansa noong Marso ay lumaki ng 2.1% kumpara sa gayon ding panahon ng nagdaang taon, at ang Producer Price Index (PPI) naman ay lumaki ng 3.1%.
Sinabi ni Xu Hongcai, Pangalawang Punong Ekonomista ng China Center for International Economic Exchanges, na ang dalawang bilang na ito ay nasa medyo mababang lebel, at ipinakikita nitong matatag sa kabuuan ang lebel ng presyo ng mga bilihin sa Tsina.
Kaugnay naman ng pagkabahala sa posibleng paghantong ng alitang pangkalakalan ng Tsina at Amerika sa malaking pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa Tsina, ipinalalagay ni Xu, na maliit ang posibilidad na ito. Aniya, malaki ang bolyum ng kabuhayang Tsino, at medyo maliit ang proporsiyon ng kalakalang Sino-Amerikano, kaya malaki ang espasyo para sa pag-aadjust ng pamilihang Tsino, at hindi magiging malaki ang epektong dulot ng nabanggit na alitan.
Salin: Liu Kai