Ayon sa estadistikang inilabas ngayong araw, Martes, ika-17 ng Abril 2018, ng Pambansang Kawanihan ng Estadistika ng Tsina, noong unang kuwarter ng taong ito, lumaki ng 6.8% ang GDP ng bansa kumpara sa gayun ding panahon ng tinalikdang taon.
Ang bilang na ito ay mas malaki kaysa nakatakdang target na 6.5% para sa buong 2018. Nagbigay ito ng mabuting pundasyon para sa malusog at matatag na paglaki ng kabuhayang Tsino sa taong ito.
Ayon pa rin sa estadistika, noong unang kuwarter, umabot sa 77.8% ang ambag ng final consumption expenditure sa paglaki ng GDP, at nitong 5 taong nakalipas, ang konsumo ay nananatiling pinakamalaking lakas tagapagpasulong sa paglaki ng kabuhayang Tsino.
Samantala, patuloy na lumaki ang pamumuhunan mula sa pribadong sektor. Noong unang kuwarter, ito ay katumbas ng mahigit 60% ng kabuuang halaga ng pamumuhunan ng Tsina.
Salin: Liu Kai