Kinatagpo Abril 16, 2018 sa Tokyo ni Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon ang dumadalaw na Ministrong Panlabas ng Tsina na si Wang Yi.
Sa pagtatagpo, ipinahayag ni Wang na magkapitbansa ang Tsina at Hapon. Aniya, nitong ilang taong nakalipas, di-maalwan ang kooperasyon ng dalawang panig sa ibat-ibang larangan dahil sa kahirapang kinakaharap ng relasyong Sino-Hapones. Sinabi rin niyang paulit-ulit na ipinahayag ng panig Hapones ang mithiin para pabutihin ang relasyong Sino-Hapones, at pinahahalagahan ito ng Tsina. Umaasa aniya siyang gaganap ng konstruktibong papel ang kanyang kasalukuyang biyahe sa Hapon para panumbalikin sa normal ang realsyong Sino-Hapones. Aniya, ang matatag at mainam na relasyong Sino-Hapones ay makakatulong sa pagpapahigpit at pagpapalawak ng pagpapalitan at pagtutulungan ng dalawang panig. Ito ay angkop sa komong interes ng mga mamamayan ng dalawang bansa at mga bansa sa rehiyong ito, dagdag pa ni Wang.
Ipinahayag naman ni Punong Ministro Shinzo Abe ang pagpapahalaga sa relasyong Sino-Hapones. Aniya, sa ika-40 anibersaryo ng paglagda sa Mapagkaibigang Tratadong Pangkapayapaan ng Tsina at Hapon, nakahanda ang Hapon na magsikap, kasama ng Tsina para pabutihin ang bilateral na pagtutulungan sa ibat-ibang larangan, isakatuparan ang mataas na pagpapalitan, at isagawa ang pagtutulungan batay sa balangkas ng estratehiyang may mutuwal na kapakinabangan. Nagpalitan din ng kuru-kuro ang dalawang panig hinggil sa kalagayan sa Peninsula ng Korea, at sa mga isyung panrehiyon.