Nakipagtagpo Abril 16, 2018 sa Beijing si Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay Klaus Schwab, Tagapangulo ng World Economic Forum (WEF).
Tinukoy ni Pangulong Xi na mainam ang tunguhing pangkaunlaran ng kabuhayang pangdaigdig, pero, mayroon pang mga problema sa proseso ng pag-unlad ng kabuhayan. Aniya, ang pagbubukas sa labas at pagpapalakas ng pagtutulungan ay tanging paraan para pasulungin ang kabuhayang pandaigdig.
Ipinahayag ng Pangulong Tsino na bilang responsableng malaking bansa sa daigdig, nakahanda ang Tsina na magsikap, kasama ng komunidad ng daigdig para gumanap ng konstruktibong papel sa pagpapasulong ng ekonomiya ng daigdig, sa pamamagitan ng pagpapalawak ng pagbubukas sa labas at pagtutulungang may mutuwal na kapakinabangan.
Ipinahayag naman ni Klaus Schwab na kinakatigan ng WEF ang globalisasyong pangkabuhayan at multilateralismo. Tutol aniya siya sa proteksyonismo at unilateralismo. Aniya, nitong 40 taong nakalipas, nananatiling mainam ang pakikipagtulungan ng WEF sa Tsina. Nakahanda aniya ang WEF na ibayong pahigpitin ang pakikipagtulungan sa Tsina sa konstruksyon ng Belt and Road, pagpapasulong ng inobasyon, at sistema ng pangangasiwa ng mundo para pasulungin ang kalutasan ng mga isyung pandaigdig.