Dumalaw kahapon, Lunes, ika-7 ng Mayo 2018, si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa Sekretaryat ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Jakarta, Indonesya. Doon, nakipagtagpo siya kay Pangkalahatang Kalihim Lim Jock Hoi ng ASEAN, at dumalo sa seremonya ng pagsisimula ng selebrasyon ng ika-15 anibersaryo ng pagkakatatag ng estratehikong partnership ng Tsina at ASEAN.
Sa okasyong ito, narating ng dalawang panig ang komong palagay hinggil sa pagpapayaman ng nilalaman ng estratehikong kooperasyon ng Tsina at ASEAN, para lumikha ng bagong kinabukasan ng kanilang kooperasyon.
Nagharap si Li ng mungkahing kinabibilangan ng pagpapalakas ng Tsina at ASEAN ng pag-uugnayan sa Belt and Road Initiative at Master Plan on ASEAN Connectivity 2025, pagpapalalim ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, at magkakasamang pangangalaga sa multilateral na sistemang pangkalakalan. Patuloy aniyang igagalang ng Tsina ang landas ng pag-unlad ng iba't ibang bansang ASEAN, at palalakasin ang pakikipagpalitan sa mga bansang ASEAN sa iba't ibang aspektong gaya ng pangangasiwa sa mga suliraning pang-estado, ideya sa pag-unlad, at kultura. Dagdag niya, ang diwang pangkooperasyon ng Tsina at ASEAN ay nagtatampok sa pagtitiwalaan, pag-uunawaan, mutuwal na kapakinabangan, at pagbibigay-tulong sa isa't isa.
Sinabi naman ng mga kinatawan ng panig ASEAN, na sa mula't mula pa'y ang Tsina ay mahalagang katuwang ng ASEAN. Nagbibigay anila ang Tsina ng malakas na suporta sa integrasyon ng ASEAN, tumutulong sa ASEAN para sa pagpapaliit ng agwat sa pag-unlad sa pagitan ng mga bansa, at pinalalalim ang pagkakaibigan ng mga mamamayan ng dalawang panig. Ipinahayag din nila ang lubos na pagpapahalaga sa kooperasyon ng ASEAN at Tsina sa hinaharap, at umaasa anila silang isasakatuparan ang komong kasaganaan at win-win result ng dalawang panig.
Salin: Liu Kai