Sa kanyang pakikipag-usap ngayong araw sa Tokyo, Hapon, kay Punong Ministro Shinzo Abe ng bansang ito, binigyang-diin ni Premyer Li Keqiang ng Tsina, na dapat pasulungin ang pagbalik ng relasyon ng dalawang bansa sa tamang landas.
Tinukoy ni Li, na ang Tsina at Hapon ay mahalagang kapitbansa sa isa't isa, at pangunahing ekonomiya ng daigdig. Aniya, ang pagpapanatili ng malusog at matatag na pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa ay angkop sa interes ng kapwa panig, at makakabuti sa kapayapaan, katatagan, at kasaganaan ng rehiyon at daigdig.
Sinabi ni Li, na ang taong ito ay ika-40 anibersaryo ng paglalagda ng Tsina at Hapon sa kasunduang pangkapayapaan at pangkaibigan, at ang relasyon ng dalawang bansa ngayon ay nasa masusing yugto ng pagbuti. Nanawagan siya para pasulungin ang pagbalik ng relasyong Sino-Hapones sa tamang landas. At para rito aniya, dapat samantalahin ng dalawang bansa ang mga paborableng pagkakataon, sariwain ang diwa ng nabanggit na kasunduan, patatagin ang pundasyong pulitikal, palawakin ang kooperasyong pangkaibigan, at ipatupad ang komong palagay na ituring ang isa't isa bilang katuwang at hindi magsisilbing banta sa isa't isa.
Salin: Liu Kai