Sinabi ngayong araw, Miyerkules, ika-9 ng Mayo 2018, sa Tokyo, Hapon, ni Premyer Li Keqiang ng Tsina, ibibigay ng kanyang bansa sa Hapon ang 200 bilyong yuan RMB na kota ng RMB Qualified Foreign Institutional Investors (RQFII), at kakatigan ang mga institusyong pinansyal ng Hapon na mamuhunan sa capital market ng Tsina sa pamamagitan ng naturang porma.
Winika ito ni Li sa kanyang pakikipag-usap kay Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon. Ipinahayag din niya ang positibong atityud sa pagtatatag ng RMB clearing bank sa Tokyo. Narating din ng dalawang panig ang komong palagay hinggil sa paglalagda sa kasunduan sa currency swap sa lalong madaling panahon.
Bukod sa kooperasyong pinansyal, nagpalitan pa ng palagay ang dalawang lider hinggil sa kooperasyong Sino-Hapones sa ibang aspekto. Nagharap ang Premyer Tsino ng mungkahi hinggil sa pagpapalakas ng dalawang bansa ng kooperasyon sa mga pangunahing aspektong gaya ng pangangalaga sa kapaligiran, inobasyong pansiyensiya't panteknolohiya, sharing economy, at serbisyong medikal.
Salin: Liu Kai