Tokyo, Hapon—Sa okasyon ng ika-40 anibersaryo ng paglagda ng Tratado ng Kapayapaan at Pagkakaibigan ng Tsina't Hapon, hiniling ni Premyer Li Keqiang ng Tsina sa mga partido pulitikal ng Hapon na magbigay-tulong para ibayo pang pasulungin ang ugnayang Sino-Hapones.
Ito ang ipinahayag ng premyer Tsino sa kanyang magkahiwalay na pakikipagtagpo Huwebes, Mayo 10, 2018 sa mga kinatawan ng mga partido pulitikal na nasa poder at di-nasa poder ng pamahalaang Hapones. Kabilang sa kanila ay Toshihiro Nikai, Pangkalahatang Kalihim ng naghaharing Liberal Democratic Party (LDP) ng Hapon; Natsuo Yamaguchi, Puno ng Partido Komeito, coalition partner ng LDP; Yukio Edano, Puno ng Constitutional Democratic Party; Yuichiro Tamaki, kinatawan ng Democratic Party for the People; at Kazuo Shii, Puno ng Japanese Communist Party.
Ipinagdiinan ni Li na bilang di maihihiwalay na magkapitbansa, malaki ang potensyal sa pagtutulungan ng Tsina at Hapon. Umaasa aniya siyang mananangan ang dalawang bansa sa diwa ng nasabing tratadong pangkaibigan para walang-humpay na umasad ang ugnayang Sino-Hapones tungo sa tumpak na direksyon.
Ipinahayag naman ng mga kinatawan ng iba't ibang partido pulitikal ng Hapon ang hangaring patuloy na mag-aambag sa pagtatamo ng mas malaking pag-unlad ng relasyong Sino-Hapones, dahil ang relasyong ito ay mahalaga rin para sa katatagan at kasaganaan ng rehiyon at daigdig.
Salin: Jade
Pulido: Mac