Idinaos kahapon, Biyernes, ika-18 ng Mayo 2018, sa Geneva, ng United Nations Human Rights Council (UNHRC), ang espesyal na pulong hinggil sa kalagayan sa Gaza Strip. Pinagtibay sa pulong ang resolusyon, hinggil sa pagpapadala ng grupong tagapagsiyasat para imbestigahan ang mga paglabag sa karapatang pantao, na naganap sa mga sinasakop na teritoryo ng Palestina, lalung-lalo na sa Gaza Strip.
Sinabi sa pulong ni Zeid bin Ra'ad Zeid al-Hussein, United Nations High Commissioner for Human Rights, na sapul nang maganap noong ika-30 ng nagdaang Marso sa Gaza Strip ang malawak na demonstrasyon laban sa pagsakop ng Israel, pinatay ng tropang Israeli ang 87 mamamayang Palestino na kalahok sa demonstrasyon, at 29 ring Palestino ang napatay sa ibang okasyon. Samantala, di-kukulangin sa 12 libong Palestino ang nasugatan sa demonstrasyon. Dagdag ni Zeid, lumalala pa ang kalagayan sa Gaza Strip nitong nakalipas na isang linggo.
Nang araw ring iyon, ipinahayag ni Ismail Haniyeh, lider ng Islamic Resistance Movement (Hamas), na dapat ganap na alisin ng Israel ang blokeyo sa Gaza Strip. Kung hindi aniya, ipagpapatuloy ng panig Palestino ang demonstrasyon, at palalawakin ito sa mga lugar sa kanlurang pampang ng Ilog Jordan.
Salin: Liu Kai