Ipinahayag ngayong araw, Biyernes, ika-25 ng Mayo 2018, ng Hilagang Korea, na ang pagkakansela ni Pangulong Donald Trump ng Amerika sa nakatakdang pagtatagpo nila ni Kim Jong Un, Kataas-taasang Lider ng H.Korea, ay hindi angkop sa hangarin ng komunidad ng daigdig para sa kapayapaan at katatagan sa Korean Peninsula, at maging sa daigdig.
Ayon sa pambansang ahensiya ng pagbabalita ng H.Korea, sinabi ni Kim Kye-gwan, Pangalawang Ministrong Panlabas ng bansang ito, na nabigla at nalungkot ang H.Korea sa unilateral na pagkakansela ng Amerika sa naturang pagtatagpo. Dagdag niya, hindi totoo ang sinabi ni Trump hinggil sa pagpapakita ng H.Korea ng matinding poot at hayagang hostilidad sa Amerika.
Sinabi rin ni Kim, na nagsisikap ang H.Korea para bigyang-wakas ang pagiging ostilo at di-pagtitiwalaan ng bansang ito at Amerika, at pabutihin ang relasyon ng dalawang bansa. Nakahanda aniya ang H.Korea, na idaos ang talastasan kasama ng Amerika, sa anumang oras at porma.
Salin: Liu Kai